![]()
Mariing pinabulaanan ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Lordan Suan ang kumalat na balita sa social media hinggil sa isusulong umano niyang “shoot-to-kill” resolution laban kay Sen. Ronald Bato dela Rosa.
Ayon kay Suan, malisyoso at walang katotohanan ang kumalat na ito sa iba’t ibang social media pages, na tahasang idinikit ang kanyang pangalan.
Aniya, bilang abogado at public servant, buo ang respeto niya sa due process at rule of law, na siyang gabay nito sa pagtupad sa tungkulin bilang mambabatas.
Hinikayat ni Suan ang publiko na magsuri sa mga impormasyong kumakalat sa social media bago ito paniwalaan.
Una nito, kumalat sa social media pages ang umano’y plano nitong mag-file ng resolusyon para sa “shoot-to-kill” order kay Bato kung hindi ito susuko sa ibinigay na deadline ng PNP.
Tinawag ito ni Suan na disinformation, kung saan hindi lamang siya ang nais sirain kundi maging ang karapatan ng taumbayan para sa accurate information.
