![]()
Sinuportahan ni Senador Bam Aquino ang aktres na si Bea Binene at ang bago nitong pelikula na “Pee Mak” sa pamamagitan ng pagdaraos ng block screening noong Biyernes sa isang mall sa Mandaluyong City.
Dumalo si Aquino sa screening, kasama si Bea na gumanap bilang pangunahing karakter na si Pee Nang, isang misis na namatay sa panganganak habang ang kanyang asawang sundalo na si Mak, na ginampanan ni Wilbert Ross, ay nasa gyera.
Bago ang screening, sinorpresa ni Aquino at ng mga manonood si Bea sa pamamagitan ng birthday song bilang maagang pagbati sa kanyang kaarawan sa Nov. 4.
Matagal nang tagasuporta ni Aquino si Bea at kasama pa ang aktres nang maghain ito ng certificate of candidacy noong 2025 senatorial race sa COMELEC.
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na suportahan ang lokal na industriya ng pelikula, nagdaos din kamakailan ang senador ng block screening para sa pelikulang “2 Valid IDs,” na pinagbibidahan ni Pokwang na suportado rin si Aquino sa kanyang mga polisiya.
