![]()
Dumalaw si Vice President Sara Duterte sa libingan ng mga biktima ng Super Typhoon Yolanda, na tumama sa Tacloban City noong 2013, bago ang All Saints’ Day.
Bumisita si Duterte sa Holy Cross Memorial Gardens noong Biyernes, kasama ang personnel ng Office of the Vice President-Eastern Visayas Satellite Office.
Sa Facebook post, sinabi ni VP Sara na nag-alay sila ng bulaklak at nagsindi ng kandila, kasabay ng panalangin para sa kapayapaan ng kaluluwa ng mga biktima.
Hinimok din ng Bise Presidente ang publiko na ipagdasal ang mga kaluluwa ng mga nasawi mula sa mga kalamidad, kasabay ng panawagan na patuloy tayong maging matatag sa gitna ng mga pagsubok ng buhay.
Bumisita rin si VP Sara sa Ormoc City Public Cemetery Mass Grave Memorial, kung saan inilibing ang mga biktima ng 1991 flash flood sa Ormoc City sa Leyte.
Nagbigay din ng respeto si Duterte sa mga biktima ng Roxas Night Market bombing sa Davao City noong 2016, kung saan mahigit sampung indibidwal ang nasawi.
