![]()
Bumilis ang Super Typhoon Rosal habang nasa ibabaw ng karagatan sa silangan ng Northern Luzon.
Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng Super Typhoon, 990 kilometers east ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 215 km/h at pagbugso na hanggang 265 km/h.
Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 km/h.
Nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes, Babuyan Islands, northern portion ng Ilocos Norte, northern at eastern portions ng mainland Cagayan, northeastern portion ng Isabela, at northeastern portion ng Catanduanes.
Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Biyernes ng gabi o Sabado ng madaling araw.
Samantala, magdadala ang Super Typhoon Rosal ng malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon ngayong Miyerkules.
Ayon sa PAGASA, asahan ang pabugso-bugsong hangin na dala ng bagyo sa mga lalawigan ng Batanes, Ilocos Norte, Apayao, Cagayan, Isabela, at Catanduanes.
Makararanas ang Eastern Visayas, Ilocos Sur, Quezon, at natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Bicol Region ng maulap na kalangitan na may malawakang pag-ulan bunsod ng Super Typhoon.
Iiral naman sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulo-pulong mga pag-ulan o pagkulog at pagkidlat dahil sa localized thunderstorms.
Sumikat ang araw kaninang 5:49 ng umaga at lulubog ito mamayang 5:43 ng hapon.
