![]()
Nanawagan muli si Navotas Rep. Toby Tiangco para sa agarang pagsususpinde o pagbabawas sa excise tax sa produktong petrolyo.
Kasunod ng panibagong malakihang oil price hike, na lalong nagpapabigat sa pasanin ng mga pamilyang Pilipino, motorista, manggagawa, at negosyo.
Binigyang-diin ni Tiangco na dapat gamitin ng pamahalaan ang kapangyarihang ipinagkaloob sa ilalim ng Republic Act No. 12316 na suspindihin o bawasan ang excise tax sa oil products habang patuloy na itinutulak ng world market ang pagtaas ng presyong langis sa bansa.
Sa nakalipas na tatlong linggo, tumaas na ng 18.31 pesos per liter ang diesel, 15.25 pesos ang gasolina, at 16.67 pesos ang kerosene.
Sinabi ni Tiangco na hindi na maliit na adjustment ito dahil ramdam na ramdam na ito sa bulsa ng bawat Pilipino.
Una nang isinulong ni Tiangco ang mas malawak na tax relief sa langis sa kanyang House Joint Resolution No. 4 na naglalayong pansamantalang suspindihin ang value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.
