![]()
Tiwala ang House prosecution panel na matatapos nila sa Oktubre ang presentasyon ng mga ebidensya laban sa sinasabing unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay lead prosecutor and Batangas Rep. Gerville Luistro, ito ay dahil magiging buong araw ang impeachment trial sa susunod na buwan.
Tumanggi naman muna si Luistro na ihayag kung ilan pang testigo ang kanilang ihaharap para sa Article 2 ng Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
Sinabi ng kongresista na nagpapatuloy ang kanilang evaluation sa kung sino pa ang kanilang mga ihaharap sa Impeachment Court at sino ang hindi na kailangang ipresenta.
Nilinaw naman ni Luistro na wala pa silang desisyon kung hindi na nila tatalakayin ang Article 3 na may kinalaman sa bribery laban sa Bise Presidente.
