![]()
Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maisabatas ang anti-political dynasty bill sa kanyang termino, ayon sa Malacañang.
Inatasan ng Supreme Court ang Kongreso na pagtibayin ang panukala matapos mabigong maisabatas ito sa nakalipas na tatlumpu’t siyam na taon.
Nakamandato sa 1987 Constitution na kailangang gumawa ng batas ang Kongreso laban sa political dynasties.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kahit wala pang binabanggit na desisyon ang Supreme Court, batid ng marami na isa ang anti-political dynasty sa mga priority bills ng Pangulo.
Aniya, sang-ayon si Pangulong Marcos sa Korte Suprema na panahon na para maisabatas ang anti-political dynasty bill.
Idinagdag ng Palace official na ang Kongreso ang magdidikta sa bilis ng pagpasa ng batas, bagaman nauunawaan aniya na maraming ibang mahalagang trabaho na kailangang gawin.
