![]()
Inaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading ang proposed Child Tourist Safety Act o Sandy’s Act na naglalayong palakasin ang kaligtasan ng mga bata at iba pang turista sa mga pasyalan at turismo.
Lusot sa final na pagbasa ang Senate Bill No. 1926 sa pamamagitan ng 18 pabor na boto, walang tutol at walang abstention.
Ipinangalan ang panukala kay Sandy Garrovillas, anim na taong gulang na nasawi matapos kapitan ng dikya sa isang resort sa Palawan kung saan walang agarang medikal na tulong.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, titiyakin ng batas na may nakaantabay na certified medical personnel at agarang tugon sa anumang emergency at hindi dapat opsyonal ang pagiging handa.
Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang mga hotel, resort, water park, surfing camp at iba pang establisimiento na tumatanggap ng mga minor na magpatupad ng tourism emergency at risk mitigation plan.
Kinakailangan din ang mga trained first aid staff, sufficient medical equipment, access sa health professionals, transportasyon papunta sa pinakamalapit na ospital, at mga certified lifeguard sa mga lugar na may swimming pool o anyong-tubig.
Magkakaroon din ng mga inspeksyon, parusa at pananagutan ang mga establisimiento na mapapatunayang nagpabaya, kabilang ang pagbabayad ng hospital at burial expenses kung magreresulta ito sa pagkasugat o pagkamatay ng isang minor.
