![]()
Nagpasalamat ang ilang senador sa desisyon ng Bureau of Internal Revenue na alisin na ang value-added tax o VAT sa system loss charge sa kuryente.
Sa magkakahiwalay na manifestation, pinuri nina Senators Erwin Tulfo, Risa Hontiveros at Bam Aquino ang BIR sa pakikinig sa hinaing ng mga consumer na matagal nang nananawagan na alisin ang buwis sa system loss dahil dagdag-pasanin ito sa kanilang electricity bills.
Una nang naglabas ang BIR ng Revenue Memorandum Circular 97-2026 na nag-aalis ng VAT sa electricity system loss charges.
Sinabi ni Tulfo na ang system loss charge ay isang pass-through charge at hindi kuryenteng aktuwal na kinokonsumo ng mga consumer kaya makatarungan lang na hindi na ito patawan pa ng buwis.
Umaasa naman si Hontiveros na magsilbi itong hakbang para tuluyang alisin ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang system loss charge, alinsunod sa inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Naniniwala naman si Aquino na mas malaking ginhawa para sa mga consumer kung aalisin ang VAT sa buong electricity bill ng mga residential household.
Ayon kay Aquino, maaaring umabot sa 12 percent ang mabawas sa electricity bill kung aalisin ang VAT, habang nasa 0.6 hanggang 0.8 percent lang ng kabuuang bill ang epekto ng pagtanggal ng VAT sa system loss.
