dzme1530.ph

MGA AWTORIDAD, KINALAMPAG PARA TUGISIN ANG MGA KURAKOT NA OPISYAL NG BIR

Loading

Kinalampag ni Senador Bam Aquino ang mga awtoridad upang matugis ang mga kurakot na opisyal ng Bureau of Internal Revenue na nangongotong ng milyon-milyon mula sa maliliit na negosyo at online sellers.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, na kanyang pinamumunuan, iginiit ni Aquino na kabilang ang BIR sa mga ahensya ng gobyerno na madalas ireklamo ng mga maliliit na negosyo at online sellers.

Sa hearing, isinumbong ng isang opisyal ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI na patuloy pa rin ang katiwalian sa BIR, kung saan kumikita ng milyon ang mga examiner mula sa mga entrepreneur.

Ito’y kahit may kautusan na mula sa pamunuan ng BIR na suspindihin ang lahat ng field audits at kaugnay na operasyon, kabilang ang paglalabas ng Letter of Authority na nagbibigay ng kapangyarihan sa revenue officers na i-audit ang books of accounts ng isang taxpayer.

Ayon kay Yolanda dela Cruz, PCCI Vice President para sa National Capital Region, nakatanggap siya ng LOA mula sa BIR na humihingi ng kabayarang P6 milyon matapos niyang magbukas ng food processing machinery company.

Pinakiusapan lang niya ang tauhan ng BIR na magbayad siya ng P600,000, ngunit humingi siya ng resibo. Pumayag ang unang examiner na nagpunta sa kanya, ngunit humingi naman ng parte ang iba pang sumunod na examiner.

Ayon pa kay Aquino, kung kagaya ni dela Cruz na isang opisyal ng PCCI ay nakararanas ng ganitong katiwalian, paano pa ang maliliit at bagong mga negosyante.

Bukod sa BIR, binanggit din ng senador ang Bureau of Fire Protection at Food and Drug Administration bilang ilan sa mga ahensya ng gobyerno na madalas na nababanggit sa mga reklamo ng maliliit na negosyo at online sellers.

About The Author