dzme1530.ph

PAGPAPATUPAD NG WAGE HIKE ORDER SA METRO MANILA, IGINIIT NG ISANG SENADOR

Loading

UMAPELA si Senate Labor Committee Chairperson Joel Villanueva sa Department of Labor and Employment o DOLE na agad ipatupad ang Wage Order No. 27 na nagkakaloob ng P85 na dagdag-sahod sa mga manggagawa sa National Capital Region.
 
Ayon kay Villanueva, lalo lamang nadagdagan ang kalituhan at pangamba ng mga manggagawa dahil sa bagong wage order na nagbibigay ng P60 na umento, sa halip na ipatupad ang naunang wage order na dumaan sa tamang proseso at konsultasyon sa mga stakeholder.
 
Iginiit ng senador na mahalaga ang P25 na diperensya sa pagitan ng dalawang wage order, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa NCR.
 
Binigyang-diin din niya na malinaw sa Article 126 ng Labor Code na hindi maaaring pigilan sa pamamagitan ng temporary restraining order o injunction ang pagpapatupad ng isang wage order, at hindi aniya ang paglalabas ng panibagong wage order ang tamang remedyo.
 
Idinagdag pa ni Villanueva na isang wage order lamang ang maaaring ilabas bawat taon maliban kung may supervening event, at sa kasalukuyan ay wala umanong batayan para maglabas ng panibagong kautusan.
 
Samantala, muling iginiit ng senador ang agarang pagpasa ng Living Wage Act, na layong magtakda ng mas malinaw at makatarungang batayan sa pagtukoy ng sahod ayon sa tunay na halaga ng pamumuhay.

About The Author