![]()
Tiniyak ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang tangkang destabilisasyon laban sa Marcos administration na nagmumula sa Armed Forces of the Philippines.
Sinabi ni Teodoro na never at not anymore na magkakaroon ng destabilisasyon mula sa AFP.
Ito ay kaugnay sa sinasabing instability sa gitna ng mga pagbanat ni Vice President Sara Duterte sa Pangulo at sa administrasyon, at sa gitna ng mga kritisismo na kulang ang aksyon ng administrasyon sa flood control scam.
Sinabi ni Teodoro na kasama ang lahat ng ito sa pulitika at bahagi ng demokrasya bagama’t ito ay mga public issues na nararapat ding talakayin.
Samantala, nagpaliwanag si Teodoro kaugnay sa insidente sa defense forum sa Seoul, Korea.
Sinabi ng kalihim na Defense Attaché ng China sa Korea ang nagpaabot ng papel na naglalaman ng hindi pagtanggap ng China sa arbitral ruling ukol sa West Philippine Sea na itinuring niyang kabastusan dahil pinaabot ang sulat habang siya ay nagsasalita at dahil hindi sa ganitong paraan dapat naglalahad ang China ng posisyon ukol sa West Philippine Sea.
