dzme1530.ph

HULING NAWALANG BIKTIMA SA LAKE MAPANUEPE, NATAGPUAN NA

Loading

San Marcelino, Zambales – Matapos ang ilang araw na paghahanap, matagumpay nang narekober ngayong araw, Agosto 30, ang huling nawawalang biktima ng insidente ng pagkalunod sa Lake Mapanuepe sa Barangay Buhawen, San Marcelino noong nakaraang Biyernes, Agosto 27.
 
Bandang 11:20 ng umaga, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Incident Management Team (IMT) at iba pang responding personnel, nakuha na ang bangkay ng huling biktima na siyang kumpleto sa bilang ng mga naiulat na nalunod sa lawa.
 
Positibong kinilala ng isang kamag-anak ang nasabing katawan bilang isa sa mga nawawala kaugnay ng trahedya.
 
NAKUHA RIN ANG DALAWANG BATA
 
Kahapon, Agosto 29, matagumpay ding narekober ang mga bangkay ng dalawang batang kabilang sa mga napaulat na nalunod. Sa kabuuan, tatlong biktima ang nasawi sa insidente.
 
Matapos ang retrieval operation, agad na dinala ang mga labi sa FAMA Funeral Services para sa kaukulang pag-aasikaso.
 
Sa pagkakarekober sa huling nawawalang biktima, opisyal nang natapos ang ilang araw na Search, Rescue, and Retrieval (SRR) Operation sa Lake Mapanuepe.
 
PASASALAMAT NG ALCALDE
 
Samantala, nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang ating mahal na Mayor Elvis Ragadio Soria sa mga ahensyang nagtulungan upang mapabilis ang paghahanap at retrieval operation.
 
“Lubos ang aming pasasalamat sa lahat ng ahensya at mga taong naglaan ng kanilang oras at pagsisikap upang mahanap ang ating mga kababayan. Ang inyong dedikasyon ay hindi namin malilimutan,” pahayag ni Mayor Soria.
 
MGA AHENSYANG NAKIISA
 
Kabilang sa mga tumulong sa operasyon ang San Marcelino Municipal Police Station, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, 2nd Provincial Mobile Force Company, MDRRMO San Marcelino, at Philippine Army 69th Infantry Battalion.
 
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lokal sa mga pamilya ng mga biktima para sa kaukulang suporta at assistance.
 
Nagpaabot din ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.

About The Author