![]()
Nakatanggap ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng request mula sa US government para sa extradition ng religious leader na si Pastor Apollo Quiboloy, na nahaharap sa mga kasong sex trafficking and racketeering sa Amerika.
Sa statement, sinabi ni DFA spokesperson Analyn Ratonel na na-endorse na nila ang request ng Estados Unidos sa Department of Justice (DOJ).
Nov. 2021 nang ianunsyo ng US prosecutors ang sex trafficking charges laban sa founder ng religious group na Kingdom of Jesus Christ (KOJC), at iba pang mga opisyal, kabilang ang dalawang US-based church administrators.
Nakasaad sa 2021 US indictment na ang mga biktima ay nasa pagitan ng dose hanggang kinse anyos at ni-recruit bilang personal assistant ni Quiboloy, na naghahanda ng kanyang pagkain, maglinis sa kanyang bahay, magmasahe, bukod sa pakikipagtalik.
September 2024 nang arestuhin si Quiboloy matapos ang malawakang manhunt operation dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 o The Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Nahaharap din ang religious leader sa non-bailable na qualified human trafficking charge sa isang korte sa Pasig.
Sa kasalukuyan, nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail.
