![]()
INADOPT o pinagtibay na ng Senado ang resolusyon para hikayatin ang Pasig Regional Trial Court Branch 152 na bawiin na ang temporary restraining order laban sa wage hike order sa Metro Manila.
Iginiit ng mga senador na dapat manaig ang probisyon sa Labor Code na walang anumang korte o tribunal ang maaaring maglabas ng preliminary o permanent injunction o TRO sa mga proceedings ng National at Regional Wage Boards.
Nilinaw naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na hindi nila kinakalaban o inuutusan ang korte, kundi apela lamang ang ipinahahatid nila para sa kapakanan ng 1.1 milyong minimum wage earners sa National Capital Region.
Nagpasalamat naman si Senador Robin Padilla kay Zubiri sa pangunguna sa resolusyon matapos siyang umapela sa mga kasamahan na suportahan ang ipinaglalaban ng ilang kongresista na una nang dumulog sa korte para hilinging i-lift ang TRO.
Sinabi naman ni Zubiri na walang mayorya at minorya, kundi buo ang Senado sa pakikipaglaban sa karapatan ng mga manggagawa.
