![]()
Ang yeast infection ay isang karaniwang impeksyon na dulot ng sobrang pagdami ng fungus na Candida.
Maaari itong mangyari sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ngunit pinakakaraniwan ito sa pribadong bahagi ng katawan ng mga babae.
Kabilang sa mga sintomas nito ang matinding pangangati, pamumula, hapdi, pamamaga, pananakit habang umiihi o nakikipagtalik, at makapal na puting discharge na kahalintulad ng keso.
Ayon sa mga eksperto, maaaring tumaas ang panganib ng yeast infection dahil sa paggamit ng ilang antibiotics, hindi kontroladong diabetes, pagbubuntis, mahinang immune system, o matagal na pagsuot ng masisikip at mamasa-masang damit.
Upang makaiwas sa impeksyon, pinapayuhan ang mga babae na panatilihing malinis at tuyo ang pribadong bahagi ng katawan, magsuot ng preskong cotton na underwear, iwasan ang sobrang paggamit ng mababangong produkto sa ari, at huwag uminom ng gamot nang walang payo ng doktor.
Kung nakararanas ng paulit-ulit na yeast infection, matinding pananakit, o hindi gumagaling ang mga sintomas matapos ang paggamot, mahalagang magpakonsulta sa doktor upang makumpirma ang sanhi at mabigyan ng angkop na lunas.
