![]()
“Pantay na hustisya lamang ang hinihingi ko.”
‘Yan ang hiling ni former House Speaker at Leyte Cong. Martin Romualdez sa Ombudsman na kumikilos para sampahan siya ng kaso.
Inalmahan ni Romualdez ang ginagawa ng Ombudsman sa paggamit sa tinaguriang “maleta boys” bilang testigo laban sa kanya.
Aniya, kahit na ang Department of Justice ay pinayagan ang pagsasampa ng kasong cyberlibel at perjury laban sa 18 maleta boys, patunay na “tainted” ang karakter ng mga ito.
Pero, ito ang ginagamit na testigo ng Ombudsman laban sa kanya, at ang basehan ay testimonya ng ilan sa kanila.
Naghihimutok si Romualdez dahil ang mga testigong ito ay ibinasura na at kinasuhan pa ng cyberlibel at perjury, pero ginagamit pa rin para siya ay idiin sa isyu ng flood control.
Tanong tuloy ng dating Speaker, “Ito ba ang patas na imbestigasyon?”
Sa kabila nito, nanindigan si Romualdez na hindi siya uurong sa laban na ito, at hindi umano siya matitinag, at patuloy na gagawin kung ano ang tama.
