![]()
Hindi lamang sa mga ebidensiyang inilahad sa Impeachment Court dapat tumutok ang mga senator-judges sa pagdedesisyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng ME Radio TV, sinabi ni Atty. Joel Arzaga, law school secretary at professor ng UA&P Law School at managing partner ng Arzaga and Associates Law Office, na dapat din umanong isaalang-alang ng mga senator-judges ang kanilang konsensiya at ang opinyon ng taumbayan.
Ginawa niya ang pahayag matapos mailatag ng prosekusyon ang mga ebidensiya at mga testigo nito para sa Article IV ng impeachment case, na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni VP Sara kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Arzaga, naipakita na umano ng prosekusyon na si VP Sara mismo ang nasa video na naglalaman ng naturang pahayag.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Arzaga na hindi umano maaaring magtago si VP Sara sa freedom of expression dahil may mga limitasyon din ang karapatang ito.
