dzme1530.ph

DOLE, MAGBIBIGAY NG TULONG SA MSMEs KASUNOD NG 85 PESOS NA WAGE HIKE

Loading

Kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Atty. Francis N. Tolentino na ipatutupad ang ₱85 na dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region, alinsunod sa Wage Rationalization Act.
 
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Tolentino na magkakabisa ang unang bugso ng dagdag-sahod sa Hulyo 25, habang ang ikalawa ay sa Enero 20, 2027. Aniya, ang magiging wage adjustment sa ibang rehiyon ay ibabatay sa kani-kanilang kalagayang pang-ekonomiya.
 
Kasabay nito, ipatutupad ng DOLE ang Adjustment Measures Program (AMP) upang matulungan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na maaapektuhan ng wage hike.
 
Sa ilalim ng programa, maaaring pondohan ng DOLE ang pagbili ng mga kagamitan upang makatulong sa operasyon ng maliliit na negosyo. Maaari ring maghain ng application for exemption ang mga kwalipikadong establisimyento sa loob ng 75 araw, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
 
Ayon kay Tolentino, layunin ng programa na matulungan ang mga negosyo habang napapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa.

About The Author