dzme1530.ph

BAGYO SA LABAS NG BANSA, POSIBLENG PUMASOK SA PAR MAMAYANG GABI O BUKAS NG UMAGA

Loading

Posibleng pumasok sandali sa bansa ang tropical depression (Haishen) na nabuo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Huling namataan ng PAGASA ang bagyo kaninang 2:00 PM, 1,230 kilometro sa silangan ng Eastern Visayas, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 70 km/h.

Kumikilos ito pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 10 km/h.

Posibleng lumakas ito sa tropical storm bago pumasok sa PAR mamayang gabi o bukas ng umaga.

Sa sandaling pumasok sa bansa, tatawagin ito sa local name na “Josie.”

Ayon sa state weather bureau, hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa ang panandaliang pananatili ng bagyo sa PAR.

Gayunman, patuloy na iiral ang epekto ng southwest monsoon o habagat sa Luzon.

Asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region (CAR), at western sections ng Central Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA.

Samantala, mainit at maalinsangang panahon ang posibleng maranasan sa Visayas at Mindanao, bagama’t maaaring magkaroon ng localized thunderstorms sa hapon o gabi.

About The Author