dzme1530.ph

DEPED, AMINADONG NADAGDAGAN ANG MGA INSIDENTE NG KARAHASAN SA MGA PAARALAN KASUNOD NG TACLOBAN SHOOTING INCIDENT

Loading

Aminado ang Department of Education (DepEd) na tumaas ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan matapos ang pamamaril ng dalawang estudyante sa San Jose National High School sa Tacloban City.
 
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na mayroon nang mga insidente ng karahasan bago pa man ang Tacloban incident, ngunit mas dumami ang mga ito matapos ang naturang pangyayari. Karamihan umano sa mga naitalang kaso ay bomb threats at shooting threats.
 
Ayon kay Garma, sa kanilang pulong ay sinabi ng Philippine National Police (PNP) na may tinatawag na copycat phenomenon, kung saan may tendensiyang gayahin ng iba ang mga insidente dahil sa matinding curiosity, lalo na kung hindi nila alam ang buong pangyayari sa likod ng pamamaril sa Tacloban City.
 
Inamin ng opisyal ng DepEd na kailangan nila ng karagdagang tulong upang mapigilan ang mga insidente ng karahasan dahil habang mas kumakalat ang mga ito sa social media, mas dumarami rin ang nagiging curious.
 
Sa ulat na natanggap nila mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT), mas dumami rin ang mga nag-download ng game app na GoreBox kasunod ng Tacloban incident.
 
Sinabi ito ni Garma matapos ilahad ni Senator Bam Aquino ang 15 insidente ng karahasan sa iba’t ibang paaralan mula June 16 hanggang July 6—o sa loob lamang ng halos 20 araw.
 
Ani Garma, kailangang masawata ang intensyon, motibasyon, at impluwensiya sa likod ng mga insidente, na sinang-ayunan naman ni Aquino sa pagsasabing dapat ding alisin ang kapasidad na maisagawa ang mga ito.

About The Author