![]()
Aabot sa 592 pasahero, truck drivers, at cargo helpers ang na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa dahil sa epekto ng Super Typhoon Inday, batay sa pinakahuling maritime safety advisory ng Philippine Coast Guard na inilabas mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi kagabi.
Kabilang sa mga naapektuhang lugar ang Southern Tagalog, Northwestern Luzon, Bicol, Central Visayas, at Southern Visayas. Naantala rin ang biyahe ng 199 rolling cargoes, anim na sasakyang-pandagat, at 30 motor bancas dahil sa sama ng panahon.
Samantala, 150 sasakyang-pandagat at 129 motor bancas ang pansamantalang sumilong sa mga ligtas na lugar habang nananatiling mapanganib ang kondisyon ng karagatan.
Patuloy namang binabantayan ng Philippine Coast Guard ang sitwasyon at pinapayuhan ang mga biyahero at operator ng mga sasakyang-pandagat na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan sa paglalayag.
