dzme1530.ph

SUPER TYPHOON INDAY, HUMINA SA TYPHOON CATEGORY; EPEKTO NG BAGYO AT HABAGAT, MAGPAPAULAN SA IBA’T IBANG BAHAGI NG BANSA

Loading

Humina ang Super Typhoon Inday na may international name na “Bavi,” sa typhoon category habang patuloy na binabantayan sa loob ng Philippine Area of Responsibility, ayon sa PAGASA.
 
Huling namataan ang sentro ng Typhoon Inday kaninang 8 a.m., 875 km east ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 165 km/h at pagbugso na hanggang 205 km/h.
 
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 km/h.
 
Nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes; Cagayan kabilang ang Babuyan Islands; Isabela; northeastern portion ng Quirino; Apayao; northern portion ng Abra; Kalinga; eastern portion ng Mountain Province; eastern portion ng Ifugao; northern portion ng Aurora; at northern at central portions ng Catanduanes.
 
Ayon sa PAGASA, inaasahang unti-unting hihina ang Bagyong Inday, subalit mananatili sa typhoon category hanggang sa makalabas ito sa PAR.
 
Samantala, ngayong Huwebes, magdadala ang Typhoon Inday at habagat ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
 
Makararanas ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Ilocos Norte, Aurora, at Catanduanes ng mga pag-ulan na may pagbugso ng hangin bunsod ng Typhoon Inday.
 
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms ang inaasahan sa Eastern Visayas at sa natitirang bahagi ng Bicol Region dahil din sa bagyo.
 
Habagat naman ang magdadala ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, Sarangani, at South Cotabato.
 
Ang natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dahil din sa habagat.
 
Kaparehong lagay ng panahon din ang mararanasan sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon bunsod naman ng localized thunderstorms.
 
Sumikat ang araw kaninang 5:33 ng umaga at lulubog ito mamayang 6:30 ng gabi.

About The Author