dzme1530.ph

ALAMIN ANG MGA SENYALES NG RETINAL DETACHMENT

Loading

Nagbabala ang mga eye specialist na ang retinal detachment o pagkahiwalay ng retina mula sa likurang bahagi ng mata ay isang medical emergency na maaaring magdulot ng permanenteng pagkawala ng paningin kung hindi agad magagamot.
 
Ang retina ay ang manipis na sapin sa loob ng mata na tumatanggap ng liwanag at nagpapadala ng mga signal sa utak upang makakita ang isang tao.
 
Kapag ito ay nahiwalay, naaantala ang supply ng nutrisyon at oxygen.
 
Kabilang sa mga karaniwang senyales ng retinal detachment ang biglaang pagdami ng mga “floaters” o maliliit na tuldok at hibla na lumulutang sa paningin, pagkakakita ng mga kidlat o flashes of light, at paglabo ng paningin.
 
Isa pang mahalagang babala ay ang pakiramdam na may kurtina o anino na unti-unting tumatabon sa bahagi ng paningin.
 
Maaari rin umanong makaranas ng biglaang pagbaba ng linaw ng paningin sa isang mata.
 
Ayon sa mga eksperto, mas mataas ang panganib ng retinal detachment sa mga may matinding nearsightedness o myopia, nakaranas ng pinsala sa mata, o may kasaysayan ng operasyon sa mata.
 
Pinapayuhan ang sinumang makaranas ng mga nabanggit na sintomas na agad magpatingin sa eye doctor o magtungo sa pinakamalapit na ospital.
 
Ang maagang paggagamot ay mahalaga upang mapanatili ang paningin at maiwasan ang tuluyang pagkabulag.
 
Paalala ng mga dalubhasa, huwag ipagwalang-bahala ang biglaang pagbabago sa paningin dahil ito ay maaaring senyales ng isang seryosong kondisyon na nangangailangan ng agarang atensiyong medikal.

About The Author