dzme1530.ph

PANUKALANG PAGHIHIGPIT SA PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA SA MGA MENOR DE EDAD, NABUHAY SA TACLOBAN SCHOOL

Loading

NABUHAY sa Senado ang panukalang higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang wala pang 15 taong gulang kasunod ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
 
Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, mahalagang suriin hindi lamang ang insidente kundi maging ang iba pang dahilan na maaaring nakaimpluwensya sa pag-uugali ng mga kabataan.
 
Sinabi ni Villanueva na habang isinasagawa ng mga awtoridad ang masusing imbestigasyon, dapat ding tingnan ang epekto ng pagkakalantad ng mga menor de edad sa mapaminsalang online content.
 
Dahil dito, muling binigyang-diin ng senador ang pangangailangang pag-aralan ang mga hakbang na magbibigay ng mas matibay na proteksyon sa mga bata, kabilang ang mga panukalang maglilimita sa paggamit ng social media para sa mga wala pang 15 taong gulang.
 
May mga nakabinbing panukala sa Senado na naglalayong regulahin ang paggamit ng social media ng mga menor de edad.
 
Tinawag naman ni Villanueva na “nakababahala” at “labis na nakalulungkot” ang nangyari at nanawagan ng pagpapalakas sa mga mental health program sa mga paaralan, kabilang ang pagdaragdag ng guidance counselors upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante.

About The Author