![]()
Nag-alala ang fans matapos kanselahin sa last minute ang performance ni Sarah Geronimo sa unang araw ng Aurora Music Festival bunsod ng health concerns.
Sa joint statement noong Sabado, inanunsyo ng managements ni Sarah na Viva at G Productions, na hindi makakapag-perform ang Popstar Royalty sa festival, batay sa payo ng doktor, ilang oras bago ang kanyang appearance sa stage.
Nakasaad sa statement na matapos suriin, pinayuhan ng doktor si Sarah na magpahinga at dahil prayoridad nito ang kalusugan, nagpasya ito na huwag na lang ituloy ang performance.
Humingi naman ng paumanhin ang Viva at G Productions sa organizers at fans para sa last-minute cancellation, dahil malaki ang impact nito sa daloy ng programa at sa inaasahan ng mga festival goers.
Ang fifth anniversary celebration ng Aurora Music Festival ngayong taon ay ginanap sa Clark Global City sa Pampanga.
