![]()
HINIMOK ni Senador Francis Chiz Escudero ang gobyerno na gamitin ang P30 billion na Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF sa mga hakbangin para tulungan ang mga magsasaka sa epekto ng El Niño at pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Binigyang-diin ni Escudero na P15 bilyon ng naturang pondo ay partikular na nakalaan sa ibang priority program sa agrikultura.
Ito anya ang maaaring gamitin para sa expanded financial assistance, rice credit at irrigation projects.
Makakatulong anya ang short-term and immediate ayuda subalit kailangan na rin ng mga pangmatagalang programang magpapatibay sa produksyon at magbibigay ng kakayahan sa mga magsasaka na harapin ang tagtuyot at mataas na presyo ng langis.
Idinagdag ng senador na ang mahalaga ngayon ay matulungan ang mga magsasaka na makabangon at makapagpatuloy sa produksyon, upang manatiling matatag ang suplay ng pagkain kahit sa gitna ng krisis.
