![]()
ISINUSULONG ni Senador Joel Villanueva ang panukalang naglalayong amyendahan at higit pang palakasin ang Republic Act No. 9160 o Anti-Money Laundering Act (AMLA), upang masugpo ang iba’t ibang uri ng financial crimes at maprotektahan ang integridad ng financial system ng bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1983, layon ni Villanueva na bigyan ng mas malawak na kapangyarihan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), palawakin ang saklaw ng mga sakop na indibidwal at institusyon, at i-update ang listahan ng mga krimeng itinuturing na “predicate offenses” sa money laundering.
Sinabi ng senador na kinakailangan na ng mas mahigpit na batas upang makahabol sa mga kriminal na gumagamit ng mas komplikadong paraan upang itago ang kanilang iligal na yaman.
Binigyang-diin din ni Villanueva na dapat makasabay ang umiiral na batas sa mabilis na pagbabago ng financial landscape, kabilang ang paggamit ng digital financial services, virtual assets, masalimuot na corporate structures, at cross-border transactions—mga aspetong maaaring abusuhin para sa money laundering.
Dagdag pa niya, patuloy na binibigyang-diin ng Financial Action Task Force (FATF) ang pangangailangan ng mas pinaigting na financial intelligence, epektibong regulasyon, at mabilis na pagpapatupad ng batas upang matiyak ang pagsunod sa international standards.
Sa panukala, palalawakin ang mga entity na kailangang sumunod sa AMLA upang isama ang trust at company service providers, mga abogado at accountant na sangkot sa partikular na financial transactions, online gambling operators, at virtual asset service providers.
Itatakda rin sa panukala ang limitasyon sa cash transactions na maaaring imbestigahan ng AMLC kapag lumampas sa itinakdang halaga.
Bukod dito, bibigyan ang AMLC ng mas matibay na kapangyarihan tulad ng pag-isyu ng transaction suspension orders, administrative freeze orders, at subpoena habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
