dzme1530.ph

LIMANG CO-PERPETRATORS NI DATING PANGULONG DUTERTE, PINANGALANAN SA ICC

Loading

Pinangalanan ni International Criminal Court (ICC) Senior Trial Lawyer Julian Nicholls ang lima sa co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y mga pagpaslang noong alkalde pa lamang ito ng Davao City.

 

Sa unang araw ng confirmation of charges hearing ni Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber I, binalikan ni Nicholls ang panahon noong mayor ng Davao City si Duterte, kung saan nangako ito na lalabanan ang krimen.

 

Tinukoy ni Nicholls ang pagbuo ni Duterte ng death squads na kinabibilangan ng mga Davao City Police Officers, pati na non-police officers na nagsisilbing “hired hitmen o hired killers.”

 

Kabilang sa mga tinukoy nitong co-perpetrators ng dating pangulo ay sina Senador Bato Dela Rosa na nagsilbing Hepeng Davao City Police Office (DCPO) simula 2012 hanggang 2013; Vicente Danao, DCPO Chief mula 2013 hanggang 2016.

 

Gayundin si Senador Christopher “Bong” Go, aide at special assistant ni Duterte mula 1998 hanggang 2016; Dante Gierran, Davao Regional Director ng National Bureau of Investigation mula 2013 hanggang 2016; at Vitaliano Aguirre II, abogado ng dating pangulo at miyembro ng Davao death squad.

 

Hindi naman nagbigay ng detalye si Nicholls sa naging papel ng limang personalidad kaugnay ng mga pagpaslang sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang mayor at chief executive ng bansa.

About The Author