![]()
Isang aktibong pulis ang napatay matapos makipagbarilan sa mga otoridad ng holdapin nito ang isang convenience store sa Bulacan, kagabi.
Ayon sa Police Regional Office 3, nakuhanan ng CCTV ang suspek na pumasok sa tindahan bilang isang customer bago bumunot ng baril at nagdeklara ng holdup. Tinangay nito ang humigit-kumulang ₱20,000 na kita ng tindahan at sumakay ng motorsiklo patungo sa Barangay Loma de Gato.
Nagsagawa ang Marilao Police Station ng hot pursuit operation sa Heritage Subdivision, Loma de Gato, kung saan sinubukang pahintuin ng mga pulis ang suspek, ngunit bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis dahilan upang gumanti ng putok ang mga otoridad.
Tinamaan ng bala ang suspek at dinala sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Napag-alaman na ang suspek ay may ranggong Police Captain at nakatalaga sa Caloocan City Police Station. Patuloy ang imbestigasyon kung may koneksyon ito sa sindikatong sangkot sa serye ng robbery sa Central Luzon.
