Mistulang umatras sa kanyang naunang pahayag si dating DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez kaugnay sa pagsasangkot kay Senador Jinggoy Estrada sa mga umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, itinanggi ni Mina Jose ng WJ Construction ang alegasyon ni Hernandez na siya ang nagdala ng tinawag na “obligasyon” sa isang Bheng Ramos, na iniuugnay umano kay Estrada.
Kinumpirma ni Jose ang CCTV footage na hawak ni Senador Panfilo Lacson kung saan siya nakitang pumasok sa Senado noong Agosto 19, 2025, pero nilinaw niyang ang pakay niya ay ang tanggapan ni Senador Erwin Tulfo para sa ocular inspection sa proyekto ng veranda.
Ayon pa kay Jose, dumaan lamang siya sa Blue Ribbon Committee Office para dalawin ang kaibigan at ilang dating kasamahan, at mariin niyang itinanggi na nagdala siya ng anumang “kickback” para kay Estrada.
Nang tanungin ni Estrada si Hernandez kung personal niyang nakita ang senador na tumanggap ng pera mula kay Engineer Henry Alcantara, umamin itong hindi.