Ibinasura ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang mga kasong kriminal at administratibo na isinampa laban sa kanya ni Davao City Acting Mayor Sebastian Duterte sa Office of the Deputy Ombudsman for Mindanao.
Tinawag ito ng DOJ chief na forum-shopping, na ang layunin umano ay hadlangan ang kanyang kagustuhan na maupo bilang Ombudsman.
Kasama ni Remulla sa reklamo ang kanyang kapatid na si Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla at ilan pang mga opisyal, na nahaharap sa multiple counts of kidnapping, arbitrary detention, serious dishonesty, at iba pang asunto.
Ang mga kaso, na isinampa ni Atty. Israelito Torreon sa Davao City, ay may kaugnayan sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 at paglipat nito sa hurisdiksyon ng International Criminal Court sa The Netherlands.
Binigyang-diin din ng kalihim na mayroon nang mga petitions for certiorari na inihain ang mga kaalyado at pamilya ng dating pangulo sa Korte Suprema na kumukwestyon sa pagdakip kay Duterte at paglilipat sa kanya sa ICC.