Iginiit ng Senate Minority bloc, sa pangunguna ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na susuportahan lamang nila ang bagong independent commission na mag-iimbestiga sa umano’y ghost flood control projects kung ang mga miyembro nito ay walang halong pulitika at hindi konektado sa malalaking negosyo.
Kasunod ito ng pagtatalaga ng Malacañang kina dating DPWH Sec. Rogelio Singson, SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo bilang miyembro at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na itinalagang special adviser at aaktong imbestigador ng komisyon.
Ayon kay Cayetano, posibleng magkaroon ng conflict of interest kung gagamitin ang komisyon ng mga nagnanais kumandidato sa 2028.
Giit nito, napakahalaga ng credibility ng commission. Kapag nagmumukhang may kinikilingan umano o may political agenda, maaaring mawalan ng tiwala ang publiko sa resulta ng imbestigasyon.
Bagama’t pabor ito sa ideya ng commission, sinabi ni Cayetano na mag-uusap muna ang buong Minority bloc bago magdesisyon kung susuportahan ito.