Pinayuhan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na huwag balewalain ang siyam na miyembro ng minority bloc sa Senado.
Kabilang sa minority bloc na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano bilang minority floor leader sina Senators Bong Go, Bato dela Rosa, Imee Marcos, Robin Padilla, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada at Chiz Escudero.
Samantala, binubuo naman ng 15 senador ang majority bloc.
Ayon kay Lacson, maliit lamang ang agwat ng bilang ng dalawang panig at pabiro pa nitong sinabi na baka bukas o makalawa, ay makudeta na si Sotto.
Kinumpirma rin ni Lacson na nagiging biruan din nila na huwag kunin si Senador Joel Villanueva bilang majority floor leader ni Sotto, dahil tila nakukudeta ang mga Senate President na kanyang napagsisilbihan.
Matatandaang naging majority leader si Villanueva sa ilalim ng pamumuno nina Senador Juan Miguel Zubiri, na napatalsik, at Senador Francis “Chiz” Escudero, na pinalitan naman ni Sotto nitong Lunes.