Pinabulaanan ni Vice Presidente Sara Duterte ang mga litratong nagkalat sa online na nagpapakita ng kasalukuyang kondisyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ginawa ni VP Sara ang pahayag matapos dalawin ang kanyang ama sa ICC detention center.
Sinabi ng Bise Presidente na hindi totoo ang litrato na kanyang nakita na nakahiga sa hospital bed ang ama at may suot na hospital bracelet.
Peke aniya ang litrato, at walang mga larawan na maaaring ilabas mula sa pasilidad.
Nilinaw din ni VP Sara na hindi mahina ang dating Pangulo at hindi rin ito mukhang malnourished o sobrang payat, subalit sadyang “naturally slim” lamang.