dzme1530.ph

BRP Teresa Magbanua, ligtas na nakabalik sa Pilipinas mula sa ikinasang trilateral maritime exercise ng bansa, US at Japan

Loading

Ligtas na nakabalik sa bansa ang BRP Teresa Magbanua, ang pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard (PCG), matapos ang halos tatlong linggong deployment sa Japan para sa ikalawang trilateral maritime exercise kasama ang Japan at United States Coast Guard.

Idinaos ang pagsasanay mula Hunyo 6–25, 2025 sa Kagoshima, Japan.

Sinalubong ang barko ng Welcome Arrival Ceremony sa Headquarters ng PCG sa Port Area, Maynila na pinangunahan ni Rear Admiral Hostillo Cornelio, bilang kinatawan ni Admiral Ronie Gil Gavan.

Layunin ng trilateral exercise na palakasin ang seguridad at kooperasyong pandagat sa Indo-Pacific, lalo na sa gitna ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang:

Search and Rescue (SAREX) – Pagsasanay sa pagsagip gamit ang drone at rescue boat.

Fire Fighting (FFEX) – Simulasyon ng pag-apula ng sunog gamit ang tubig mula sa mga barko.

Transfer of Personnel – Pagsasanay sa ligtas na paglilipat ng tauhan habang nasa laot.

Nakilahok din sa ehersisyo ang USCGC Stratton mula sa U.S. at JS Asanagi mula sa Japan.

Ayon sa PCG, hindi lamang ito nagpataas ng antas ng interoperability ng mga kalahok kundi pinatibay rin ang kakayahan ng Pilipinas sa komunikasyon, maritime law enforcement, disaster response, at emergency operations.

Lalo rin nitong pinahusay ang kahandaan ng BRP Teresa Magbanua sa pagmomonitor sa mga sensitibong bahagi ng West Philippine Sea, gaya ng Escoda Shoal kung saan naitala ang harassment ng China Coast Guard noong Abril 2025.

About The Author