Patuloy ang panawagan ni Sen. Raffy Tulfo sa mga Pinoy sa Israel at Iran na piliin na ang kanilang kaligtasan at mag-evacuate na mula sa mga lugar na kritikal na ang sitwasyon.
Ito ay makaraang itaas ng Department of Forein Affairs sa alert level 3 ang sitwasyon sa Iran at Israel sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa update aniya ni DMW Sec. Hans Cacdac sa kanilang tanggapan, sinabi niyang mula sa 30,742 na Pilipino sa Israel, 187 OFWs na ang humiling na sila ay ma-repatriate.
Ang first batch aniya na 26 katao, ay lilipad na pabalik ng Pilipinas sa darating na Lunes.
Ayon naman kay DFA Usec. for Migration Affairs Eduardo De Vega, nasa 30 sa 1,180 na Pilipino sa Iran ang humiling sa kanila na makauwi na ng Pilipinas at kasalukuyan pa nilang pinoproseso ang pag-uwi sa kanila.
Bagamat ang alert level na ito aniya ay hindi pa nangangahulugang puwersahang paglikas at voluntary repatriation pa lamang, mas makabubuting lumisan na ang mga Pinoy patungo sa mas ligtas na lugar o magpa-repatriate na para sa kapakanan at kaligtasan.
Tiniyak ng senador na nakahanda ang buong puwersa ng gobyerno upang tumulong mapabalik sa bansa at makapagsimulang muli ang mga Pinoy.