Tuloy pa rin ang usapan sa posibleng pagpapalit ng liderato ng Senador pagpasok ng 20th Congress.
Ito ang kinumpirma ni incoming Senator Vicente “Tito” Sotto III na isa sa posibleng makalaban ni Senate President Francis Escudero sa posisyon.
Sinabi ni Sotto na bagama’t handa siyang muling pamunuan ang Mataas na Kapulungan ay nakadepende pa rin naman aniya ito sa desisyon mayorya ng mga senador.
Sa panig ni incoming Sen. Erwin Tulfo, sinabi niyang hanggang ngayon ay wala pa siyang desisyon kung sino ang susuportahan at mag-uusap pa rin aniya sila ng kaniyang kapatid na si Sen. Raffy Tulfo.
Ayon kay Tulfo, sa tingin niya ay iisa lamang nag susuportahan nilang magkapatid pero tiniyak niyang ibabatay nila ang kanilang desisyon sa performance at kakayahan ng pipiliing lider.
Samantala, target makuha ni Tulfo ang chairmanship sa Committee on Agriculture na iiwanan ni Sen. Cynthia Villar.
Ito ay kahit ang inirerekomenda sa kaniya ng kapatid ay ang Committee on Social Justice dahil galing siya sa Department of Social Welfare and Development.
Ipinaliwanag ni Tulfo na hawak na ni Sen. Imee Marcos ang posisyon kaya’t hindi na niya ito balak pang kunin.