dzme1530.ph

Imbestigasyon sa pagbagsak ng tulay sa lalawigan ng Isabela, ipagpapatuloy sa susunod na Kongreso

Loading

Hindi pa rin titigilan ng Senado ang pagsisiyasat sa pagbagsak ng Cabagan-Sta Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela.

Ito ang tiniyak ni Sen. Alan Peter Cayetano dahil magpapatuloy aniya ang kanilang imbestigasyon sa susunod na Kongreso.

Iginiit ni Cayetano na hindi dapat paligtasin sa pananagutan ang mga naging pagkukulang at kapalpakan sa konstruksyon ng tulay na pinondohan ng mahigit ₱1 bilyon sa loob ng 10 taon.

Sinabi ng senador na magiging gabay sa imbestigasyon ang inisyal na resulta ng tatlong hearings ng Senate Blue Ribbon Committee.

Sa pagdinig, lumitaw na umabot sa 935 ang mga depektong nakita habang ginagawa ang tulay kabilang na ang maliliit na bitak hanggang sa mga seryosong sira sa istruktura.

Nakita aniya ang mga depekto mula noong 2018 at paulit-ulit na nagbabala ang DPWH engineer at third party consultant subalit hindi pinansin.

Idinagdag ni Cayetano na sa kabila ng mga depekto at problema sa disenyo, hindi pa rin isinagawa ang mga rekomendasyon at pagsasaayos.

Pinuna rin niya na gobyerno pa ang gumastos sa retrofitting ng tulay sa halip na ang kontraktor.

About The Author