Muling nagpaalala si Sen. Christopher “Bong” Go sa publiko na manatiling vigilante sa panganib ng rabies at sa kaso ng monkeypox sa bansa.
Sinabi ni Go na bagama’t kinumpirma ng Department of Health na bumaba ng 32% ang kaso ng rabies kumpara noong isang taon, nananatili pa rin aniyang mataas ang namamatay dahil dito.
Iginiit ng senador na hindi maaaring balewalain ang rabies kahit bumaba ang mga kaso dahil nakamamatay pa rin ito kapag huli na ang gamutan.
Katulad din aniya ito sa kaso ng mpox na kahit kumonti ngayon ay kailangan pa ring mag-ingat at sumunod sa payo ng health experts.
Ginawa ni Go ang pahayag kasunod ng napaulat na pagkamatay ng isang bata mula sa Sarangani makaraang makagat ng asong gala subalit itinago sa magulang at huli na nang makitaan ng sintomas.
Iginiit ni Go na naiwasan sana ang pagkamatay ng bata kung agad itong naireport kaya’t nanawagan siyang huwag mahiyang magpakonsulta kahit simpleng sugat lamang.
Binigyang-diin ng senador na ang rabies at mpox ay parehong puwedeng maagapan kung may sapat na kaalaman, at access sa tamang impormasyon at serbisyo medikal, kaya’t dapat laging may handang bakuna, may trained na medical personnel, at may malinaw na patakaran para sa ligtas na komunidad.