Sa pag-arangkada ng School Year 2025-2026, muling nanawagan si Sen. Sherwin Gatchalian sa patuloy na suporta sa mga guro sa gitna ng implementasyon ng mga reporma sa basic education ngayong taon.
Ipatutupad ngayong school year ang strengthened Senior High School (SHS) program sa 800 pilot schools bukod pa sa rollout ng MATATAG curriculum sa Grades 2, 3, 5, at 8 ngayong taon.
Ipinaliwanag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education na sa mga guro nakasalalay ang tagumpay ng mga repormang nais ipatupad sa sistema ng edukasyon kaya’t kailangang suportahan sila upang matiyak na epektibo sila sa kanilang tungkuling tiyaking natututo ang kabataan.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng training sa mga guro at pagtiyak na available ang de-kalidad na learning at teaching materials.
Mahalaga rin aniya ang pagbabawas ng workload ng mga guro at i-streamline ang kanilang workflow sa pamamagitan ng digital technology.
Bukod dito, dapat din aniyang madaliin ang hiring ng non-teaching staff na tututok sa administrative tasks.