Patay ang isang miyembro ng New Peoples Army matapos makasagupa ang tropa ng Militar sa Borongan City, Eastern Samar, kahapon.
Sa ulat, tumagal ng labing limang minuto ang sagupaan sa pagitan ng mga kasapi ng NPA at grupo ng 8th Infantry “stormtroopers’ Division ng Philippine Army, kung saan nasawi ang isang miyembro ng rebeldeng grupo.
Nag-ugat ang engkwentro sa ikinasang operasyon ng militar matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente tungkol sa mga reklamo ukol sa armadong rebelde na nangingikil ng pagkain sa lugar.
Dito na nagkaroon ng palitan ng putok laban sa mga pinaniniwalaang natitirang miyembro ng Sub-Regional Committee Sesame ng EVRPC.
Matapos ang sagupaan, dito na natagpuan ang bangkay ng isang myembro ng terorista na kinilalang si Jomar Discar alyas “Guimo/bobby”, na iniwan ng kaniyang mga kasamahan habang tumatakas.
Narekober ng militar ang isang M653 rifle, limang magasin, tatlong backpack, isang bandoleer, at mga subversive document.