dzme1530.ph

Senate Minority bloc, isusulong na ang pagconvene bilang impeachment court mamayang hapon

Loading

Igigiit na ng Senate Minority bloc na magconvene na ang Senado bilang impeachment court mamayang hapon upang talakayin na ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, maghahain na sila ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ng motion upang hilingin ang kanilang pagkoconvene.

Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat lamang na gampanan ng Senado ang kanilang mandato alinsunod sa konstitusyon.

Iginiit ng senador na hindi mahirap ang pag-convene bilang impeachment court at hindi naman aabutin ng isang oras ang magiging proseso.

Sa plano ng minority bloc, hihilinging manumpa na si Senate President Francis Escudero bilang presiding officer na susundan ng panunumpa ng mga senador bilang senator judges.

Matapos ang panunumpa ay magkoconvene na sila bilang impeachment court at saka irerefer na ang impeachment case laban kay VP Sara.

Ipinaalala ni Hontiveros na hindi dapat balewalain ng Senado ang malawakang panawagan ng grupo ng mga abogado, ng mga samahan at relihiyoso, mga law school at unibersidad at ng mga bumalangkas ng konstitusyon na nagsasabing dapat simulan na ang impeachment case.

About The Author