Lusot na sa Committee on Transportation ng Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Transportation Sec. Vince Dizon.
Ito ay makaraang irekomenda na ng kumite sa plenaryo ng CA para sa kumpirmasyon ang appointment ng kalihim matapos ang tatlong oras na pagtatanong ng mga mambabatas.
Sa pagharap sa CA Committee, inamin ni Dizon na sa kasalukuyang estado ng PUV Modernization Program ay malabo itong ipatupad nang maayos.
Sa pagtatanong ni Sen. Grace Poe, inamin ni Dizon na maraming problema ang programa kabilang na ang kakulangan ng mga accredited na manufacturer o supplier ng mga modernized vehicle.
Bukod dito, problema rin ng programa ang limitadong financial institution na handang magkaloob ng loan sa mga tsuper.
Aminado ang kalihim na sa presyong ₱2.3-M na bawat unit ng sasakyan, hindi kakayanin ng mga tsuper ang tinatayang ₱40,000 kada buwan na ammortization.
Samantala, kinumpirma ni Dizon na inatasan na niya ang Civil Aeronautics Board na palawakin ang pagpapalabas ng ceiling sa presyo ng mga airline tickets.
Ito ay makaraang matuklasan ang labis na pagpepresyo ng Air Asia Move sa kanilang flight partikular ang insidente ng booking sa biyahe patungong Tacloban na umabot sa ₱40,000 ang air fare ticket.
Dahil dito, nakatakda nilang sampahan ng economic sabotage case ang kumpanya.