Binigyang-diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi opsyon kundi obligado ang Senado sa pagpasok ng 20th Congress na ituloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Pimentel na hindi dapat maging optional o maaaring gawin o hindi ng Senado ang trial dahil mandato nila ito alinsunod sa konstitusyon na nagsasabi ring forthwith o agad-agad dapat ang pagsasagawa ng impeachment trial.
Ang pahayag ay ginawa ng senador kasunod ng deklarasyon kahapon ni Senate President Francis Escudero na magko-convene sila bilang imepachment court sa June 11 subalit nakasasalay sa mayorya ng papasok na 20th Congress kung itutuloy ang paglilitis.
Maaari aniyang magbotohan sa usapin ang mga senador at simple majority o 13 boto lang sasapat upang magpasya kung magsasagawa ng trial.
Gayunman, inamin ni Pimentel na maaaring gumawa ng sariling interpretasyon sa konstitusyon ang mga senador subalit anuman ang kanilang pasya ay pagbabayaran nila sa taumbayan.
Kapwa nanindigan sina Escudero at Pimentel na maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment trial.