Nanawagan si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga kandidato para sa midterm elections na huwag gamitin ang isyu ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte upang pagwatak-watakin pa ang taumbayan para sa sariling interes.
Sinabi ni Escudero na ang mapayapa at maayos na pagsisilbi ng warrant ng Interpol ay nagpapatunay ng commitment ng bansa sa pagkilala sa international agreements.
Pagpapakita rin anya ito ng maturity, civility, calm, at professionalism ng lahat ng law enforcement authorities, maging ng dating Pangulo, ang kanyang mga abogado at mga tagasuporta.
Tiwala naman ang senate leader na irerespeto ng International Criminal Court ang mga karapatan ng dating Pangulo upang matiyak ang due process at rule of law.
Inaasahan na rin aniya ang magkakaibang reaksyon kasunod ng mga alegasyon laban sa dating Punong Ehekutibo mula sa pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings.
Natural lamang aniya ang mga debate at disagreement sa demokrasya subalit dapat aniyang manatiling kalmado ang mamamayan at panatilihin ang respeto.
Binigyang-diin pa ng senador na dapat ipakita ng bansa ang kalakasan sa pamamagitan ng mapayapang pagsusulong ng hustisya at pananagutan.