Nakikiisa si House Speaker Martin Romualdez sa pagdadalamhati ng buong Sandatahang Lakas at pamilya ng dalawang piloto ng Philippine Air Force na nasawi sa pagbagsak ng FA-50 Fighter Jet.
Sa isang pahayag kinilala ni Romualdez ang serbisyo ng dalawang magiting na piloto na nagsakripisyo at inialay ang buhay sa ngalan ng serbisyo.
Kahapon kinumpirma ng AFP Eastern Mindanao Command na natagpuan na ang mga labi ng dalawang piloto ng FA-50 Fighter Jet ng PAF sa masukal na kabundukan ng Bukidnon.
Kasunod ng trahedya, nangako si Romualdez na bilang pinuno ng Kamara de Representantes, itutuloy nila ang pagbibigay suporta sa AFP at sa mga sundalo na iniaalay ang buhay magampanan lang ang sinumpaang tungkulin.