Nais ni Sen. Sherwin Gatchalian na magsumite ang Bureau of Immigration (BI) ng report sa Senado tungkol sa mga idine-deport na mga dayuhan na dating nagtatrabaho sa mga POGO sa bansa.
Ito ay kasunod ng posibleng pagtakas ng tatlo sa mga POGO bosses matapos na payagan ng BI na sila ang bumili ng ticket sa eroplano dahil wala umanong budget ang ahensya para sa deportation.
Ayon kay Gatchalian, sa susunod na linggo ay balak nitong maghain ng resolusyon para maobliga ang BI na magsumite ng report tungkol sa POGO deportees.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang maging transparent ang BI sa lahat ng kanilang deportees at gawing mandato na ang pagbibigay ng report sa mga deportation activities.
Dapat aniyang magsilbing “eye opener” ang pinakahuling insidente na pati ang deportation proceedings ay nagkakaroon ng problema o namamanipula pa rin ng mga taga POGO.