Hindi namo-monitor ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kung nagbabayad ng buwis ang mga social media personalities na kumikita dahil sa content sa digital media.
Ayon kay Atty. Tobias Arcilla ng BIR, wala silang alam kung magkano ang kinikita ng mga ito, at bumabase lang sila sa voluntary declarations ng social media personalities.
Ang tanging ginagawa umano ng BIR ay random audit investigation sa mga indibidwal na itinuturing na “high-risk.”
Gayunman, sumasailalim din umano sa cross-check ang idinedeklara ng vloggers mula sa foreign tax jurisdiction kung saan mayroong umiiral na treaties o kasunduan.
Inamin din ng BIR na sa kasalukuyang tax laws, hindi nila basta maaaring imbestigahan ang isang taxpayer, malinaw na may butas ang kasalukuyang batas.