Umapila sa publiko ang Kamara kaugnay sa paglaganap ng fake news o smear campaign laban sa mga kongresista na sumuporta sa impeachment complaint.
Naglabas ang HOR Fact-Check ng abiso sa publiko kaugnay sa minanipulang larawan nina Spkr. Martin Romualdez, Pres’l son Cong. Sandro Marcos, Majority Leader Mannix Dalipe at 2 iba pa na nasa isang silid.
Sa lumabas na pekeng larawan, makikita na habang nakaupo si Romualdez at 2 iba pa, may nakapatong nang bungkos-bungkos na pera sa lamesa at may caption na “AFTER IMPEACHMENT…IF THE PRICE IS RIGHT EVERYTHING IS ALRIGHT.”
Ayon sa HOR Fact-Check, ‘maliciously edited at fake news’ ito dahil malinaw naman sa orihinal na larawan na walang pera sa lamesa.
Ang pagpapakalat ng disinformation gaya nito ay banta umano sa demokrasya at matinong pamamahala.
Ayon pa sa HOR Fact-Check sinisira nito ang tiwala, minamanipula ang public perception, at totoong isyu ng bayan.
Dahil diyan hinimok ng Kamara ang publiko na maging mapagbantay at maging mapanuri sa mga nakikita ngayon sa social media na siyang daluyan ng fake news.